Go to Top

People’s Survival Fund

KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering

Pirma na lang ang kulang.

Ito na lang ang kailangan para maging isang batas ang Senate Bill 2811 o ang People’s Survival Fund (PSF) na magkatulong na binuo ng ating kongreso at senado.  Ang magandang balitang ito ay ipinahayag ni Senator Loren Legarda sa mga reporters pagkatapos ng isang forum on climate change adaptation and disaster risk reduction na dinaluhan ng mga lokal na opisyal sa iba’t ibang probinsiya sa gitnang Luzon. Ang PSF ang panggagalingan ng pondong gagamitin ng pamahalaan para epektibong maharap ang mga problemang dala ng pagbabago ng ating klima.

Sa tuwing may mangyayaring disgrasya sa atin dala ng natural na kalamidad gaya ng bagyo, agad nating itinuturo ang kakulangan ng kagamitan para makapagbigay ng sapat na kaalaman sa isang parating na bagyo at mabigyan ng babala ang mga tao. Sa tulong ng PSF, ang mga ganitong problema ay inaasahang matutuldukan na. Nakapaloob sa batas ang paglalaan ng P1-bilyong pondo taun-taon sa ilalim ng General Appropriatons Act (GAA) na gagamitin ng pamahalaan para mapabuti ang ating weather forecasting at early warning systems na may kaugnayan sa climate change-related hazards. Ibig sabihin, hindi na mahihirapan ang pamahalaan ng paghahanap ng pera kung saan kukunin, halimbawa, ang pambili ng makabagong doppler radar na makatutulong para masukat ang ulan na dala ng isang bagyo at ang potensiyal nito para makapagbigay ng malaking pagbaha. Ang ating mga lokal na pamahalaan ay makapagsasagawa naman ng kaukulang hakbang para maiiwas ang mga tao sa sakuna.  Tayo rin na mga mamamayan ay makapaghahanda kung alam natin na may paparating na malakas na bagyo.  Kaya, inaasahan natin na mababawasan na o wala nang buhay ang masasayang pag may mga ganitong pangyayari sa ating bansa.

Para sa maayos na pangangasiwa sa pondo, magkakaroon din ng isang People’s Survival Fund Board na pamumunuan ng isang Commissioner (mula sa Climate Change Commission), isang pang kinatawan mula sa Climate Change Commission, at mula sa Department of Finance, Department of Budget and Management, National Economic and Development Authority, Bangko Sentral ng Pilipinas, government financial institutions, business sector and non-government organizations.  Ang Board din ang mag-aapruba sa mga project proposals na isinumite ng  mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya para mabigyan ng kaukulang pondo.

Inaasahan po natin na malaki ang maitutulong ng PSF para makamit ang layunin ng Republic Act 9729 o ang Climate Change Act of 2009 na matulungan ang mga lokal na pamahalaan na maipatupad ang kanilang mga programa sa climate change adaptation.

Para sa inyong mga komento, maaari po ninyo akong sulatan sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang inyong mga tanong sa facebook at twitter account ng CCC.  Pwede rin ninyo kaming tawagan sa aming opisina sa 735-30-69 at 735-31-44.

—————
People’s Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
June 19, 2012
.

,
SiteLock